Tag Archives: ako

panimula

13 Feb

Ako si Carmen Aurea. Kasalukuyang 24 taon gulang, 5″1 1/2 pag walang sapatos, 108 lbs pag hindi kumain na tila walang bukas. Dapat Martin ang pangalan ko dahil akala nila na lalake ako–hindi pa kasi uso ang ultrasound noon at malakas ang paniniwala nila sa kasabihang kung hindi maganda ang iyong pagbubuntis, di malayong lalake ang dinadala mo sa sinapupunan.

Pinangalan ako sa aking 2 lola at binigyan ng palayaw na Cara dahil ambisyon ng nanay ko na may mai-inluv sa aking Italiano ala Gomez na tatawagin akong “Cara Mia.” Bukod dito, madami pa akong kakaibang mga nickname. Isa na dito ang Mameng, na ayaw kong tinatawag sa akin dati pero pag inisip nang mabuti e may kakaibang appeal din naman pala. 

Mahilig ako magbasa kaya siguro 400 ang grado ko sa bawat mata. Mahilig din akong kumanta kahit madalas gumagawa ako ng sariling titik at tono. Mahilig din akong sumayaw kahit hindi sumusunod ang katawan ko sa gusto kong mga kilos. 

Kumpleto naman ang aking mga daliri ngunit 9 lang ang ginagamit ko pag ako’y nagpi-piano. Natutuwa ako pag nagdri-drive ako pero madalas kong makalimutan kung saan ko nilagay ang aking parking ticket at kotse. Pero mahal ako ng guardian angel dahil madalas sa hindi, nahahanap ko din naman ang mga ito.

Madami pa akong gustong matutunan at marating. Itong blog na ito ang magsisilbing salamin sa cyberspace ng munting mundong aking kinagagalawan.

Ito ang aking simula. :)  

 

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.