Nagbaon ako kanina ng sandwich kasi nagtitipid ako. Ang cute, nilagyan pa ako ng Chuckie sa baunan ko! Tuwang-tuwa ako.
Dahil adik na kami ni Nelli sa signature iced hot chocolate (I know, ironic mag-order ng iced hot drink), napag-isipan namin na doon na lang mag-lunch para isahan na lang yung pag-alis namin sa office. At dahil sa wala na kaming pera pareho at kahit pang-taxi e hirap kaming bunutin sa wallet, sabi niya magdadala na lang daw siya ng kotse.
Pagdating sa paborito naming branch, wala nang parking. Meron sana kaso may harang na ayaw tanggalin ng guard dahil naka-reserba na daw yun para kay Mother. Swinerte naman kami kasi di nagtagal, may umalis nang kotse at pumorma na si Nelli para ma-occupy yung nabakanteng slot. Akalain mo ba namang bigla kaming nasingitan! Okay lang sana pero ang hirap talaga ng parking sa may Morato kaya handa kaming ipaglaban. Tinawag namin yung guard at nabigla kami kasi of all things, heto ang tinanong niya: “Kasama niyo ba yun?”
E ano ngayon kung kasama namin? Hindi naman kami makakasiksik sa isang slot! Kawindang! Sabi namin na hindi namin kasama at umalis siya para makipag-usap dun sa driver ng isang kotse. Pinanood namin at mukhang seryosong-seryoso ang kanilang pag-uusap. Aba, epektib kasi wala pang 1 minuto e umalis na yung pumarada! Ang cute pa ni manong kasi bigla kaming nginitian na tilang tuwang-tuwa sa kanyang powers.
Maya-maya, nung nasa loob na kami, chinika ko siya. Tulad ng ibang guard dun, alam niya yung pangalan ko. Ginagawan pa nga niya kami ni RB ng issue. Nakakataba ng puso kasi ang daming proprotekta sa akin pagdating ng panahong mangailangan ako ng bodyguard. Tatlo yung baon kong corned beef hash pandesal with tomatoes (in fairness masarap naman ang kumbinasyon) kaya inalok ko siya ng isa. Hindi siya makapaniwala na binibigyan ko siya pero di din naman siya tumanggi. Hehe.
Dahil abala si Nelli sa telepono, nakipagkwentuhan na lang ako kay Kuya Ramon. Tubo siyang Quezon pero sa Cainta siya nanunuluyan ngayon. Kabilang siya sa Superstar agency at noong Nobyembre lang siya na-destino sa Starbucks branch na yun, kung saan 7AM – 7PM ang kanyang shift. Wednesday at Saturday naman ang kanyang day-off pero kanina pumasok siya kasi nagkasakit yung nakatoka sa Morato kaya binawi muna ng amo niya yung day-off niya. Meron siyang maliit na green notebook kung saan niya nilo-log ang mga empleyadong dumarating at umaalis. Ayaw niyang sabihin yung pinaka-exciting na nangyari sa kanya sa karir niya bilang security guard pero kwinento niya na kagabi lang daw e andun si Mother Lily at madalas daw siya dun dahil siya ang may-ari ng building. Aniya, makinis daw yung kutis ko kasi mahilig akong kumain ng kamatis. Kamukha ko daw si Maui Taylor at nang sinabi naming kamukha niya si Marky Cielo, ngumiti lang siya at sinabing, “Alam ko, madami nang nagsabi.”
Kaloka!
Nung lumapit ako sa counter para mag-order, chinika naman ako ng isang barista. Araw-araw daw niya ako nakikita doon. Tinanong pa kung anong oras ang break ko sa trabaho at nang sinabi kong flexi-time naman kami, pinababalik ako dun ng 4pm. Tinanong ko kung may libre pag 4 tapos sabi niya na sila daw libre. Ang labo! Close ko na yung buong branch, ultimo mga sikyo. Ilang araw lang ako di magpakita, pag daan ko uli, ang init ng pagsalubong nila sa akin. Ganun kaya kakaunti yung mga pupunta dun na nakikilala na nila ako?!